Monkey See, Monkey Do
Gusto ko sanang mag-comment sa sinabi ni Freddie Aguilar tungkol kila Arnel Pineda at Charice Pempengco, pero hindi lang kasi yung pagiging gaya-gaya natin yung nakikita kong problema e. Sa issue kasing ito, parang sa mga informercials, mayroong isang malaking “but wait, there’s more!” na bonus na problema na hindi pwedeng hindi pansinin – ano nga ba ang maituturing na likas na “Filipino” sa panahon natin ngayon?
Dahil nagsimula na rin naman ako kay Freddie Aguilar, sa panig ng musika natin tingnan ang isyung ito. Ano nga ba ang musikang Pinoy? Ang kanta bang “Anak” ay masasabi nating sumasalamin sa uri ng mga awitin ng ating bansa? Paano ang kundiman? Paano ‘yong mga folk songs mula sa iba’t ibang rehiyon na ating bansa? Kapag ba may kudyapi at kulintang na ang kanta, mas Filipino ang dating nito? Ang mga kanta ba ng Up Dharma Down pwedeng maging representative ng musikang Filipino? Si April Boy? Slapshock? Eraserheads? Ano nga ba ang tunog na masasabing sariling atin?
Mahirap sagutin, di ba?
Sa isang banda, pwede nating sabihin na kapag Filipino ang gumawa, Pinoy ito. Mga banda tulad ng Juan Dela Cruz, Apo Hiking Society, The Dawn, Wolfgang, Eraserheads, at iba pa, hiram din naman ang ilang elemento ng kanilang musika pero masasabing Pinoy na Pinoy ang kanilang dating, di ba? Sa isang banda, yung mga tulad nila Charice Pempengco, Regine Velasquez, Pops Fernandez, Martin Nievera na hindi mabubuhay kung wala silang gagayahing artista mula sa ibang bansa. May mga orig din silang kanta pero mas sikat sila dahil sa kanilang revivals. Pero kahit anong sabihin mo, Pinoy na Pinoy rin sila dahil, sa ayaw mo’t sa hindi, nasa kulturang Pinoy na ang pagkahilig sa mga singers na wala nang ginawa kundi bumirit. Mahirap namang pumili ng folk songs na pwedeng sabihing tunog Pinoy dahil isang katutak na ethnic groups ang mayroon tayo…
Sa madaling salita, kung sinabi nung artist na proud siyang maging tunay na Pinoy (hindi counted ang Pussycat Dolls, si Jasmine Trias, si Camille Velasco, si Chad Hugo, si Enrique Iglesias, si Kirk Hammet, at iba pang tulad nila na may ilang patak lang ng dugong Pinoy sa kanilang katawan at/o gusto lang ng abodo), e i-consider na nating tunay na Pinoy ‘yan at maging medyo proud ka na rin na kalahi mo sila. Oo, medyo mababaw na basehan ng pagka-Filipino ngunit sa isang bansang kinakapa pa ang national identity mas mabuti na ‘yang alternatibo kaysa sa wala.
~ by Tj on July 9, 2009.
Posted in Social Shit




Leave a Reply